Sabado, Hulyo 16, 2011

Mabuhay ka!

"Ang kalagayan ng isang lipunan ay masasalamin sa kalagayan ng mga kababaihan. "


Madalas nating naririnig na iba na ang mga kababaihan ngayon, na sila ay malakas na at hindi na lamang basta naikukulong lamang sa bahay. Kaya niya na ring magtagumpay sa kanyang sariling pagsisikap. Sa isang banda ay sang ayon ako dito. Marami na rin namang babae sa kasaysayan na nagpatunay nito.Kung ating babaybayin ang kasaysayan sadyang napakalaki ng pinagkaiba ng mga kababaihan noon kaysa sa mga kababaihan ngayon.

Noon ay napakababa ng tingin nila sa atin. Tayo raw ay dapat nasa bahay lamang. Tagapag alaga ng anak, taga linis ng bahay at kasiping sa kama. Wala naman akong tutol o kahit ano pa man sa kanino  mang kapwa ko babae na ganyan ang buhay ngayon o kalagayan. Ang punto dito, hanggang doon na lang ba siya? Naging mabuti siyang ina at ulirang maybahay ngunit paano naman ang kanyang sarili? Ang kanyang personal na pag unlad. Madalas kase sa sobrang abala nila sa kanilang buhay pamilya ay hindi na nila napapansin ang mga ito.

Nakakasawa ang mga balita sa telebisyon at pahayagan. Pa ulit ulit. Karahasan at krimen. Nakakatakot at nakakaalarma, siyempre hindi ligtas doon ang mga babae. Halos araw araw may nababalitaan tayong babaeng ni reyp, bunugbog, hinipuan at kung minsan pa nga ay pinatay. Nakakalungkot at tila nagiging sanay na tayo dito. Nagiging normal na lang. Normal na lang na bugbugin ka ng asawa mo, normal na lang din na maglasing siya at mambabae. Iniisip ko nga pano kaya nila nagagawa sa atin yon? Wala ba silang ina o kapatid na babae? Hindi ba nila iniisip na ang ginagawa nila ay parang ginagawa na rin nila sa kanilang sariling ina? Simple lang, marahil ang isasagot ng ilan ay ang  linya ng character ni Christopher De Leon sa pelikulang Dekada '70: "It's a man's world." Ang aking eksaktong punto. Tayo ay lumaki sa lipunang dominado ng kalalakihan. Sila ang malakas, sila ang tama at sila ang masusunod. Isipin mo, kapag ang lalaki nangbabae at niloko ang asawa/kasintahan niya ang sasabihin nila, "lalaki kase" pero kung babae ang nanglalaki.sasabihin na malandi siya. Hindi ba? Sadyang hindi pa rin pantay ang pagtingin sa mga babae at lalaki. Hindi pa rin ganap na malaya ang mga kababaihan  gaya ng ating lipunan. Kontrolado pa rin ng iilan. Halimbawa na lamang ay ang pagtingin sa kagandahan (pisikal). Impokrito ang magsasabing naniniwala siya sa inner beauty. anu yun magandang lamang loob? Magandang ugali marahil. Ano ba ang depinisyon nila ng maganda, yung maputi, matangkad, sexy, matangos ang ilong atbp. Sila ang nagbibigay sa atin ng pamantayan ng kaganadahan. Bakit? Para sa komersiyo, magbebenta sila ng isang produkto, halimbawa ay facial wash. Pag ginamit mo ito ay puputi at magiging mala porselana ang iyong kutis. Iyon kase ang maganda. Kaya dapat ganon ka.

Patuloy tayong nabubuhay araw araw sa mga pangyayaring ito. Pero ang nais kong iparating ay simple lang. Ito ay hamon sa mga kababaihan, tandaan mo hindi ka basta babae lang! Babae ka! Kung ikaw ay wala hindi magpapatuloy ang salinlahi at wala tayong lahat. Babae ka! Mabuhay ka!


Pagpupugay sa mga kababaihang patuloy na lumalaban! Pagbati sa bawat dakilang ina, asawa anak sa bawat babaeng tulad ko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento