Minsan talaga hinihiling ko na sana bulag na lang ako. Ayoko kasi makakita ng mga pulubi, ng mga badyaw, ng isang ina karga ang anak niya at nagkakalkal ng basura. Hindi ko na gustong makita kung paano nila suyurin ang mga basurahan makakuha lang ng pwede pang kainin. Laman tiyan ika nga.
Nakakalungkot isipin na habang hindi natin maubos ang pagkain sa mga plato, ang iba ay halos tumirik na ang mga mata sa gutom.
Kung tutuusin, isa lamang ang ang patuloy na paglobo ng populasyon sa ating mga problema pero hindi ito ang ugat. Kahirapan ang siyang dahilan. Kakulangan sa trabahong angkop sa kakayahan ng bawat isa. Kailangan ng Pambansang Industriyalisasyon. Palaguin ang mga likas na yaman ng bansa. Bigyang pansin ang Agrikultura, Edukasyon at iba pang Serbisyong panlipunan.
Ang mga manggagawa na humihingi ng P125 na dagdag sahod ay sinasagot ng kontraktwalisasyon. Ito ang tugon ng mga empresa bilang sagot sa hiling ng mga manggagawa. Ginagawa nila ito upang maiwasan ang pagbuo ng mga unyon na siyang magpapamulat sa iba pang manggagawa sa kanilang mga lehitimong karapatan. Halimbawa ang nangyayari ngayon sa PAL. Ang isang empleyado na 2o taon ng nagtatrabaho ay inuutusan nang umalis kapalit ang
separation pay at imbitasyon na mag apply ng trabaho sa ibang mga kompanya na nasa ilalim ng PAL. Ang problema, ay magiging
probationary employee lamang sila. Walang kasiguraduhan kung pagkatapos ng kontrata ay magiging regular na empleyado sila. Nasasaalang alang ang pagkain ng kaniyang pamilya sa araw araw, ang mga gastusin at pang paaral sa kanyang mga anak. Tulad ng PAL, ito ay ginagawa na rin ng iba pang mga kompanya gaya ng ABS CBN, GMA at marami pang iba. Ito ay nakasunod sa disenyo ng pinangangalandakan ni Pnoy na
Public Private Partnership (tatalakayin ko sa susunod na blog). Ayon sa kanya, bubuksan ang market ng bansa sa mas marami pang investors.
100% foreign ownership. Mas nakakalulang building. Lumiliit na sakop ng mga sakahan at baka mas maraming
Call Center.
Ang mga magsasaka ay hindi makakain ng kanin samantalang sila ang nagtatanim ng palay.
Lumillit ang sukat ng mga lupang sakahan. Pilit na ginagawang subdibisyon o kung anu mang gusali na mas makakatulong sa patuloy na pag unlad umano ng bansa.
Alalahanin natin na ang Pilipinas ay isang agrikultural na bansa. Mayaman tayo sa likas na yaman kaya ganun na lamang ang dahilan kung bakit noong unang panahon pa lamang, gumuhit na sa kasaysayan kung paano nagsabwatan at minsan pa nga ay nagpatayan ang mga mananakop makuha lamang ang Pilipinas.
Narito ang mga datos ng mga Likas na yaman ng Pilipnas:
Yamang Lupa
Ito ay tulad ng mga bundok, gubat, burol, talampas, malawak na kapatagan at lambak. Karamihan ng mga lupa sa pilipinas ay ginagamit sa agrikultura. Karaniwang itinatanim dito ay palay, mais, prutas, gulay, kape, at kakaw. Malaking bahagi ng ani sa mga lupain ang tinatawag na aning pangkomersyal tulad ng niyog, tubo, abaka, tabako, goma, kapok at iba pa.
Yamang gubat
Sa mga pinagkukunang yaman ng bansa…ang mga kagubatan ang may pinakamalaking sukat. Maraming nakukuhang tabla at langis, aromatiko mula sa mga punong diptercarp. Mga pula at puting lawan at tangili na itinuturing na pinakamahalagang supply ng tabla sa bansa. Makukuha rin sa mga troso, tabla, plywood, tropal o veneer at dagta at resin.
Yamang Tubig
Malawak ang karagatan ng Pilipinas na umaabot sa baybayin ng 17,640 kilometro at 266 milyong ektaryang coastal waters at 193.4 ng karagdagang bahagi na nagmumula sa karagatan. Tinatayang umaabot ng 18.46 milyong ektarya ang kabuuang lawak ng karagatan kabilang ang 338,393 ektarya ng latian at mga ilog imbakan na matatagpuan sa bansa.
Yamang Mineral
Isa sa mga pangunahing industriya na nagpapataas ng reserbang dolyar ng bansa ay ang ating mga mineral na yaman.
♣Metalikong Mineral- binubuo ng mga metalikong mineral tulad ng ginto, bakal, nickel, tanso, uranium, cadmium, chromite, manganese at zinc.
♣Di-Metalikong Mineral- binubuo naman ito ng mga merkuryo, flourine at iba pang di metalikong mineral
Yamang Tao
Ang dami ng tao sa isang bansa ay nagpapakita ng lawak ng potensyal na yamang tao.Ito ang mga taong nagtatrabaho sa isang bansa at may kakayahang magpaunlad sa layuning mapaunlad ang isang bansa. Tinatawag din silang likas dahil sila ang nangangasiwa ng mga ibang likas na yaman at utak sa interaksyon sa pamilihan.
(source: http://tl.answers.com/Q/Ano_ang_mga_likas_na_yaman_ng_Pilipinas)
Nakakatawang isipin na tayo ang nagturo sa Vietnam kung paano magtanim ng palay ngunit ngayon tayo ay nag aangkat na ng bigas mula sa kanila. Pinapalayas ang mga magsasaka at mga nakatira sa mga lupang agrikultural ngunit pagdating sa Maynila o sa iba pang lugar ay walang makain, walang hanap buhay. Tapos ay magtataka tayo kung bakit dumadami ang mga batang kalye, mga badyaw, taong grasa at iba pang klase ng tao na pakalat kalat sa kalsada. Minsan kinausap ko ang batang badyaw (mga tao na karamihan ay galing sa Mindano, umalis doon dahil sa kaguluhan at sinubukan ang buhay sa Maynila), ang tanong ko, "San ka nanggaling?", sa Mindanao ang sagot niya. Nakakatakot na daw ang sitwasyon doon, puro barilan at putukan. Nadadamay pati ang mga inosenteng sibilyan na gusto ng katahimikan. Kaya napilitan silang umalis at humanap ng "mas payapang lugar" at napunta nga sila sa Maynila ngunit ang resulta ay naging badyaw sila. Gamit ang mga lumang lata ng gatas, lalagyan nila ng plastik na takip, tatalian ng goma at patutunugin gamit ang kamay, animo
drums ang tinutugtog nila. Magaling at nakakaindak ang tunog ngunit hindi mo lang maiintindihan ang mga sinasabi nila. Gaya ng sa una ay hindi mo lubusang maiintindihan kung bakit nila ginagawa yon.
Patuloy na humihingi ng dagdag na
budget sa Edukasyon ang mga kabataan at maging sa iba pang serbisyong panlipunan gaya ng sektor ng kalusugan at pabahay. Nakakagalit isipin na habang hinihiling ito sa Pamahalaan ang sagot ay panandaliang solusyon pa rin. Hindi nito nabibigyan ng pangmatagalang solusyon ang problema. Walang mas malalim na suri kung ano ba talaga ang ugat ng kahirapan.
Marami ang nagsasabi na hindi daw tayo dapat laging umasa na lamang sa gobyerno. Sa isang banda ay tama naman ito. Minsan sa klase ay nagsalita ng propesor ko na hindi daw dapat kami magreklamo dahil gobyerno daw ang nagpapaaral sa amin. Nagpantig ang tenga ko dahil sa simula pa lamang ng klase ay halos hamakin na niya ang pagkatao ng mga kasama ko sa organisasyon at sa Konseho.
Nagtaas ako ng kamay bilang hudyat na may gusto akong sabihin.
"Sir, mawalang galang na po. Gusto kong ipaalala sa inyo na Hindi gobyerno ang nagpapaaral sa amin kundi ang mga mamamayan na nagbabayad ng buwis. Ang tungkulin ng gobyerno ay tiyakin na ang mga buwis ay babalik sa tao sa porma ng mga serbisyong panlipunan gaya ng Eduksayon, Kalusugan, Pabahay atbp. Hindi po tama na sabihin ito. Samakatuwid ay tungkulin namin bilang mga iskolar ng bayan na kahit sa munting paraan ay maibalik sa kanila ito. Hinihiling namin ang mas mataas na badyet (sa Edukasyon) hindi lamang para sa mga PUPian kundi sa lahat ng mga kabataang nais makapag kolehiyo, sa bawat anak ng kawani ng Paaralan, sa anak ng mga manggagawa at magsasaka at sa mga susunod pang iskolar ng bayan. Para sa inyo rin, upang hindi na palaging delayed ang sweldo niyo, para tiyakin na mabibigyan niyo ng maayos na buhay ang pamilya niyo at higit sa lahat ay tiyakin na ang mga anak mo ay makakamit ang mura at dekalidad na edukasyon na isa sa mga basikong karapatan ng bawat Pilipino alinsunod na rin sa nakasulat sa ating Konstitusyon. "
At ako'y umupo. Napatitig siya. Sandaling nag isip at saka'y nag iba ang tono ng boses. Tinitigan niya ako ng halos limang segundo. Animoy kinakabisado ang pagmumukha ko, kinikilala kung sino ako at tila nagiisip na ng dahilan kung bakit ibabagsak niya ako o paano ako mawawala sa klase niya. Kinabahan ako pero hindi ko pinahalata. Pinaninindigan ko ang sinasabi ko. Alam ko na sa mga oras na iyon ako ang tama at mababakas mo sa mukha niya ang iba't ibang reaksiyon gaya ng pag iisip na sa isang banda ay pagsang ayon sa mga sinabi ko. Hindi ko alam kung ano ang naramdaman niya. Sinabi niyang mag usap kami pagkatapos ng klase sumagot ako ng opo at saka ay magalang na nilisan ang klase niya. Bago umalis ay tinatapik ako ng ilang mga kaklase ko, ang mga lalaki na nakaintindi sa punto ko. Marami rin ang mga nang uusig na tingin ngunit hindi ko nalang pinansin. Taas noo akong naglakad at umalis sa silid.